Dumarating na ang dapit-hapon
Kumakalat ang dilim at ang pagtatapos ng isang araw ay muling nadarama.
May lamlam sa mata ng iba habang sa iba ay may ngiti sa labi
Ako’y nakatanaw lamang
Nagmamasid sa pagdaraan ng araw
Isang saksi sa walang tigil na pagdaan ng oras sa ating harapan
Umiinog ang mundo ngunit tila nakatigil ito para sa akin
Gusto kong gumalaw
Lumipad ng malayang-malaya
Pumaimbulog paitaas at kung maaari ay hindi na bumaba.
Nais kong pigilin ang muling pagdalaw ng dapit-hapon
Nais kong lipulin ang dilim at panatilihin ang liwanag
Nananaghoy ang aking pusong nangungulila
Sa mga panahong nagdaan
Sa mga pagkakataong sinayang
Nais kong lumakad at tuklasin ang dahilan ng aking buhay
Ayaw kong magmasid lamang
Nais kong makilahok
Makisama
Makiisa
Ngunit nakaapak ang aking mga paa na tila ba ugat na may masidhing pagkapit sa lupa
Isa akong tagamasid sa mga taong naglalaro
Naglalambing
Isang taong saksi sa pagdaraan ng panahon
Sa pagtatapos ng mga araw
At sa pagsikat ng buwan.
Nais kong lumaya
Nais kong lumaya….
Monday, November 15, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)